9
December
2008

BUKAS NA LIHAM SA SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS AT SA MGA ESTUDYANTE AT MAMAMAYAN

BUKAS NA LIHAM SA SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS

AT SA MGA ESTUDYANTE AT MAMAMAYAN

 

Ibinabalik ng presensya ng mga unipormado at armadong miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (SLP) sa aming mga pamantasan at komunidad ang panglaw ng Batas Militar.

 

Lumilikha ito ng labis na takot upang makisangkot ang mga estudyante at mga kabataang pag-asa ng bayan para sa isang makabuluhang panlipunang pagbabago.

 

Kaya nananatili ang College Editors Guild of the Philippines at mga estudyanteng Pilipino sa aming posisyon: Ang pagpasok ng mga sundalo sa aming mga paaralan upang di umano ay maglunsad ng isang forum o symposium para sa “information dissemination” ay walang ibang pakay kung hindi busalan at siraan ang iba’t ibang organisasyong bumabatikos sa gobyernong nasasadlak sa sandamakmak na anomalya. At ito ay isa mga “pinaka-accurate” na nagaganap sa panahong tulad ngayon, sa panahong dinarahas o di kaya ay pinapaslang ang mga lumalaban.

 

Ang diplomatikong tono ng bukas na liham sa Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaaral ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at sa mga mambabasa nito na pinakakalat ng SLP ay malayung-malayo sa katotohanan.

Kung talagang kinikilala ng SLP ang aktibismo bilang karapatan at kalayaan, bakit ang mga militar ang itinuturo ng mga kaanak nina Karen Empeno, Sherlyn Cadapan, Jonas Burgos at James Balao na dumukot sa kanila?

 

Kung totoong kinikilala ninyo ang aktibismo, bakit maging ang imbestigasyon na ginawa ni United Nations Special Raporteur for Human Rights Propesor Philip Alston ukol sa pagpaslang sa mga aktibista at maging sa mga mamamahayag ay miyembro din ng SLP ang pinagpapaliwanag? Bakit kailangang pumasok ang mga sundalong nakasibilyan sa Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Sta. Mesa noong ika-29 ng Agosto at kunan ng larawan at video ang isang programa ng mga mag-aaral doon laban sa dagdag na bayarin? Hindi ba’t kasamahan n’yo rin ang bumaril sa mukha ng aming kapwa manunulat pangkampus at human rights advocate na si Benjaline “Beng” Hernadez mula sa Ateneo de Davao na nagsasagawa noon ng fact-finding mission sa Arakan Valley noong April 5, 2002?

 

Hindi ba’t ang mga militar mismo ang nagsampa ng kasong rebelyon sa aming kasamahan na punong-patnugot ng PUP-Lopez at sa presidente ng konseho ng mga mag-aaral doon na wala namang ibang ginawa kung hindi tutulan ang mga polisiyang nakaapekto sa kanilang mga karapatan at kalayaan? Kailan pa naging rebelyon ang aktibismo na inyong “kinikilala?”

 

Hindi namin kayo inaakusahan, bagkus ay tahasan naming sinasabi na kayo sa SLP at ang desperado ninyong “commander-in- chief” ay naninira sa aming organisasyon at sa marami pa, upang makapanatili lamang sa ninakaw na posisyon.

Pinatutunayan ito ng powerpoint presentation na may titulong “Knowing Thy Enemy” na inilabas ng SLP noong 2005 na kung saan ay isinama ninyo ang aming organisasyon at marami pang ligal na samahan at maging organisasyong pangsimbahan sa listahan ng tinatawag ninyong communist fronts. Nasaan ang sinasabi ninyong pagkilala sa aktibismo?

 

Dahil sa inyong mga pinnaggagawa, lumilikha kayo ng isang pambihirang “paranoia.” Kaya’t huwag kayong magtaka kung bakit natatakot ang mga mamamayan sa inyong presensiya; inosente lang ang tanging may karapatang magtaka. At kalian man ay hinding-hindi matatawag na inosente ang taong lagi’t laging nadadawit sa mga di-makataong gawain?

 

Hindi ba’t ang kabuktutan at ang karahasan ng pamahalaang inyong pilit ipinagtatanggol, ang pangunahing dahilan kung bakit may mga kabataan at estudyanteng nagpasyang humawak ng armas?

 

Hinding-hindi kami hihingi ng paumanhin sa patuloy naming pagsusulat upang ipagtanggol ang mga mamamayang patuloy na pinagkakaitan ng karapatan at kalayaan, upang ibalita ang inyong di-makataong pamamaraan.

 

Kami, sa College Editors Guild of the Philippines ay mananatiling kaaway ng isang isang sistemang mapang-api, dahil ang pagsusulat ay paghahanap ng katarungan at isang lipunang may ganap na kalayaan.

       



1 Comment

  1.    Sulat sa pilipinas:

    Wow! so agressive! but it’s definitely OK because we are expressing the feelings that is totally going to burst out of our emotions. Nice post I enjoyed reading it. I’ll be waiting for your next post.

    -urieqo-



Leave a Reply