22
November
2008

Kung bakit wala na ang pangalan ni April sa editorial box ng Tekno*

Halos isang taon rin namin siyang nakasama, at sa maikling panahon na ‘yon, nasaksihan ko ang kanyang matibay na paninindigan. Kahit pa maraming hirap ang aming pinagdaanan nanatili siyang matatag hanggang sa huling sandali ng kaniyang pananatili.

 

Tandang-tanda ko pa noong unang kaming nagkakilala sa student lobby, buwan ng Hulyo noong nakaraang taon. Isa siya sa maraming estudyante na naglalakad kasama ang mga kaklase. Naghahagilap ako noong ng mga estudyanteng gustong mag-apply bilang isang manunulat.

 

Nag-aalinlangan pa siya noong una kung tatanggapin niya ang form, dahil wala pa raw siyang karanasan maging bahagi ng isang pahayagan. Batid kong may pag-aalinlangan siya, subalit lakas-loob niyang sinubok ang pagiging manunulat. Iyon ang simula ng aming pagkakaibigan.

 

Tulad ng maraming nagnanais makapasa sa exam, hindi ito mahirap sa kanya dahil sa kanyang determinasyon at paninindigan. Madalas siya ang kasama ko sa pagsusulat ng mga lathalain. Noong una, naninibago siya sa kaniyang ginagawa subalit sa kalaunan ay agad naman niyang natutunan ang mga bagay-bagay na kalimitang ginagawa as pub. Nasanay na rin siya sa bawat ‘pressures’ sa ginagawa naming mga artikulo.

 

Sa bawat araw, nasaksihan ko kung paano niya pandayin ang kaniyang sarili at natutuhang magsuri sa mga usaping dati ay wala siyang pakialam. Mula sa isang tipikal na estudyante, nakita ko kung paano niya basagin ang natutulog niyang kamalayan. Saksi ang mga pinilas na mga pahina ng kalendaryo sa kanyang pag-unlad, at habang lumilipas ang araw, nasusubaybayan ko ang kanyang pag-unlad.

 

Mas lalo siyang nauhaw sa usaping ekonomya, pulitika’t kultura, kug kaya’t higit pa siyang nagpakahusay para masagot ang mga katanungang dati-rati ay nakalutang lamang sa kanyang isipan. Mula sa isang pasibong pananaw, naging progresibo siya sa bawat usapin.

 

Sa halos limang buwan naming pagsasama malaki ang kanyang naging pagbabago, kaya naman nabigla ako kung bakit hindi ko siya makita sa araw ng enrolment. Buong araw ko siyang hinintay, ngunit nabigo ako. Sa kabila ng maraming text messages na ipinadala ko, hindi ko nakita sa inbox ang kanyang pangalan at hindi ko na rin siya nasilayan sa unang araw ng pasukan.

 

Hanggang magkita kami pagkaraan ng dalawang linggo, malungkot ang ekspresyon ng kanyang mukha subalit lakas loob niyang binanggit na hindi na siya makakapag-aral ngayong taon. Kailangan niya munang magtrabaho para matustusan ang kanyang pag-aaral dahil sa biglaang pagtaas ng mga bayarin. Kahit pa kumuha siya ng scholarship, wala pa rin siyang kasiguruhan na masusustentuhan niya ang kanyang pag-aaral.

 

Si April ay isa lamang sa libu-libong mag-aaral na naging biktima ng kapabayaan ng gobyerno at bulok na sistemang bumabalot sa edukasyon. Kahit pa gusto niyang mag-aral, wala na siyang pagpipilian kundi harapin ang hamon ng isang sitwasyong lalong nagpapatibay sa kaniyang paninindigan.

 

At hindi tulad ng isang tipikal na pamamaalam, kaswal lang ang naging pamamaalam namin sa isa’t isa, walang iyakan. Bagamat hindi ko na siya makakasama, ang mahalaga ay nasaksihan ko ang kanyang pagbabago at batid ko na kahit wala na siya sa staff box ng Tekno ay kasama namin siya sa isang pagbabago.

 

*Para sa mga magulang at estudyanteng biktima ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin.

       



1 Comment

  1.    Kim:

    Kailangan namin ng suporta para sa kasama nating blogista na nahaharap sa isyung demolisyon. Ang mga anak nya kasama ng mga kabataan sa 3 baryo ay hindi malayong matulad kay April kapag nagtagumpay ang NOLCOM na bawiin ang kanilang tahanan.

    Tama na ang madugong dispersal sa Hacienda Luisita na kumitil sa buhay ng maraming mangagawang bukid. Suportahan natin ang ating kasamng blogista.

    To exrend your support: pls. visit http://pinaykeypoint.wordpress.com/

    pls. blog about this issue and submit your links at pinaykeypoint. Thank you.



Leave a Reply